Mag-tiyuhin, tiklo sa buy-bust

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 10:57 AM

Nahulihan ng 2 pakete ng hinihinilang shabu, drug paraphernalia at P500 na marked money ang mag-tiyuhing naarest sa buy-bust operation. Larawan mula sa Koronadal City police

KORONADAL CITY, South Cotabato - Inaresto ang isang 18-anyos na lalaki at kaniyang tiyuhin sa buy-bust operation sa Barangay General Paulino Santos, Martes ng hapon.

Nahulihan ng 2 pakete ng hinihinilang shabu, drug paraphernalia at P500 na marked money ang mga suspek.

Iginiit ng 45-anyos na tiyuhin na walang nakuhang ilegal na droga sa kanila nang hulihin sila samantalang sinabi ng kaniyang pamangkin na nadamay lang siya sa operasyon ng mga pulis.

Gayunman, inamin ng 2 na dati silang gumagamit ng ilegal na droga.

Ayon sa pulisya, wala sa watchlist ang mag-tiyuhin, pero madalas silang isumbong ng mga residente dahil sa pagbebenta umano ng bawal na gamot.

Kinasuhan na ang 2 sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Inamin naman ng pulisya na nahihirapan sila sa paghuli sa street level drug pushers dahil maingat na ang mga ito. Kaunti na lang din anila ang narerekober nilang ilegal na droga sa mga operasyon dahil limitado na umano ang supply ng droga sa siyudad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.