Barangay sa Palawan, balak gawing crocodile sanctuary

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 08:57 PM | Updated as of Mar 02 2018 09:11 AM

Plano ngayon ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) na gawing critical habitat o crocodile sanctuary ang Barangay Catagupan sa Balabac, Palawan.

Isa ito sa naging rekomendasyon matapos ang ginawang assessment ng PCSD at Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center sa lugar.

Ilang insidente na ng pag-atake ng buwaya ang naitala rito.

Nito lamang ika-19 ng Pebrero, isang lalaking nanghuhuli ng alimango ang namatay nang lapain ng isang buwaya.

Ayon sa PCSD, magsasagawa sila ng public consultation, kabilang na ang gagawing area assessment at population assessment.

Aalamin rin kung saan ang feeding area ng mga buwaya, at kung hanggang saan ang kanilang habitat.

Sa inisyal na pag-aaral, lumalabas na nasa 15 pamilya ang maaapektuhan kung gagawing santuwaryo ang lugar.

Ayon naman sa opisyales ng Barangay Catagupan, sana ay mabigyan ng alternatibong pangkabuhayan ang mga apektadong pamilya para maiwasang pumunta sa ilog.

Nilinaw naman ng PCSD na hindi rin direktang aalisin sa lugar na gagawing santuwaryo ang mga apektadong pamilya. Sa halip, ilalayo lamang sila sa ilog.

"Ilalayo lang natin within a buffer zone. Doon sa malayo sa natural habitat ng mga crocodile," ani Jovic Fabello, tagapagsalita ng PCSD.

Ito ang nakikitang solusyon ng ahensiya para maiwasan ang pagkakaroon ng problema sa pagitan ng mga buwaya at mga tao.

Nakatakdang pag-usapan sa susunod na linggo ang isyu, kasama ang iba't ibang ahensiya at ang lokal na pamahalaan para malaman kung ano ang mga susunod na hakbang.

Naniniwala ang PCSD na hindi ang pag-alis sa natural na tahanan ng mga buwaya ang sagot sa problema.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.