7-talampakang sawa, na-rescue sa Misamis Oriental

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 09:12 PM

Isang 7-talampakang sawa na may bigat na 15 kilo ang nailigtas sa Misamis Oriental, Miyerkoles ng gabi. Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Nailigtas ang 7-talampakang sawa matapos pumasok sa isang bahay sa Barangay Looc, bayan ng Villanueva, Misamis Oriental Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Renie Galope, nagpatulong sa kaniya ang pamilyang Gagarin na hulihin ang sawa na may bigat na 15 kilo.

Agad niya itong isinilid sa sako para hindi makawala at ibinigay sa Villanueva Police.

Nakipag-ugnayan naman sa Department of Environment and Natural Resources ang pulisya para mailipat sa rescue center ang sawa.

Ayon kay DENR division chief forester Nestor Agosto, posibleng gutom at naghahanap ng maliit na hayop gaya ng daga ang ahas kaya ito pumasok sa bahay.

Dagdag ni Agosto, posible ring nabulabog ang pinamamahayan ng ahas dahil sa baha o kaya matinding init kaya ito naghanap ng posibleng malilipatan.

Abiso ng awtoridad sa publiko, huwag katayin ang mga ahas o iba pang ligaw na hayop dahil may parte sila sa pagbabalanse ng kalikasan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.