ALAMIN: Mga dapat tandaan sa pagkuha ng car loan

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2017 03:53 PM | Updated as of Mar 01 2017 06:26 PM

Balak mo bang kumuha ng car loan para may sasakyang magagamit para sa negosyo? Isipin muna itong maigi dahil hindi ito basta-basta, ayon sa isang eksperto.

Paliwanag ni Dante Fuentes, pangulo ng Association of Certified Fraud Examiners - Philippine Chapter, palaging ipinagpapalagay ng bángko na personal na gamit ang dahilan ng pagkuha ng car loan.

Sabi pa ni Fuentes, kung sa negosyo gagamitin ng kotseng balak bilihin gamit ng inuutang na pera, dapat ay deklarado at alam ito ng bángko.

"Di puwedeng uutang ka ng kotse tapos gagamitin sa negosyo, hindi mo naman idineklara sa bángko. Parang mayroon nang deceit at that point in time," ani Fuentes. 

Ayon kay Fuentes, inaalam ng bángko ang paggagamitan ng kotseng bibilihin gamit ng utang ng pera sapagkat isasama nila ito sa kasunduan.

"Kung business endeavor yan, it will be covered by another agreement," aniya. "Tatangunin ka ng bángko kung 'yung perang kikitahin mo ay ipambabayad mo ba."

Dagdag ni Fuentes, unang-una laging tinatanong sa mga kumukuha ng car loan ay kung saan gagamitin ang perang uutangin kaya dapat ay matapat ang sagot dito.

Kapag nalaman ng bángko iba sa idineklara ang pinaggamitan ng isang tao sa inutang nitong pera ay magkakaroon na umano siya ng pananagutan sa batas.

"Doon na magsisimula ang immediate demand ng payment," ani Fuentes. 

'UMUTANG NANG NAAAYON SA KAKAYAHAN'

May ilang bagay na tinitingnan ang bángko kapag ang isang tao ay kukuha ng car loan.

Kabilang dito ang "earning capacity," "take home pay" at kakayahang magbayad ng isang indibidwal.

Paliwanag ni Fuentes, hindi puwedeng uutang ang isang tao ng pera pambili ng mga high-end na kotse kung nasa P20,000 lang kada buwan ang kinikita nito. 

Mula dito ay tatayain ng bángko kung ano ang karampatang terms o kasunduan para sa uutang.

Dito rin itatakda ng bángko kung kailan masasabing past due na ang bayarin ng isang umutang, at kung kailan ito puwedeng habulin para dito.

"Depende sa type ng loan," ani Fuentes. "If installment, may categories diyan ang regulasyon." 

Kapag wala nang kakayahang magbayad ang isang umutang, kukunin ng bángko ang kotseng binili nito.

Kung mapapatunayan namang may "fraud" o panloloko na naganap kaya hindi na nakabayad ang isang indibidwal, maaari na itong magkaroon ng mas malaking pananagutan.

Sabi ni Fuentes, kung makitaan ng "fraud" ay maaaring iangat ang reklamo sa kasong kriminal tulad ng "qualified theft."

Ang mga paalala na ito ni Fuentes ay kasunod ng pangangamba ng ilang mga registered car owners na nabiktima ng rent-sangla scam na makasuhan ng bángko dahil sa paglabag sa mortgage agreement.

"Suriin nating yung mga dokumentong pinipirmahan natin. May role po tayo pag umuutang hindi lang magbayad. May pangangalagaan din tayong responsibility bilang isang borrower.” DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.