P200-K ‘shabu’ nasamsam, suspek timbog sa drug bust sa Lucena

Albert Lumbera, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 07:09 PM

Nasa 40 gramo ng 'shabu' na tinatayang higit P200,000 ang halaga ang nasamsam mula sa drug suspect na naaresto sa buy-bust operation, Martes ng gabi, Pebrero 27, 2018, sa Lucena City. Photo courtesy of Lucena City Police

LUCENA CITY – Mahigit P200,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng awtoridad sa isang hinihinalang tulak ng droga sa ikinasang buy-bust operation dito Martes ng gabi.

Nakumpiska ng pinagsamang puwersa ng Lucena Police at Philippine Drug Enforcement Agency ang 40 gramo ng shabu mula kay Mario Mercado, alyas Exon, 49 anyos. Matagal na umanong binabantayan ng awtoridad si Mercado na kilala bilang isa sa top drug suspects sa Quezon.

Nadakip si Mercado sakay ng isang puting Toyota Avanza alas-7 ng gabi nitong Martes.

“May mga records din siya na previous records, [paglabag sa] Section 11 [ng Comprehensive Dangerous Drugs Act dahil sa drug] possession. Pero this time, nahuli natin siya caught in the act of selling shabu doon sa ating poseur buyer,” sabi ni Senior Supt. Rhoderick Armamento.

Nilinaw din ng pulisya na base raw sa pagsusuri ng Dangerous Drugs Board sa mga nakuhang walong sachet ng pinaniniwalaang shabu sa suspek, nagkakahalaga lamang ito ng P74,000. Pero kung ito ay ibebenta na sa street level, aabot daw ito sa mahigit P200,000.

Ayon naman sa hepe ng Lucena City Police, pare-pareho daw ang sinasabi ng kanilang mga nahuling suspek na sangkot sa droga na may pinagkukuhanan sila ng shabu mula sa Tiaong.

“Lahat ng mga nahuli natin iisa lang revelation nila. Bakit hindi daw mahuli itong tao na ito from Tiaong, Quezon,” sabi naman ni Supt. Vicente Cabatingan, hepe ng Lucena City Police.

Dagdag ni Cabatingan, nagpapalipat-lipat umano ng lugar ang suspek habang nagtatakda ng transaksiyon.

Bukod sa pabago-bago ng lokasyon, iniiba rin daw nito ang kulay ng sasakyan na ginagamit para hindi madaling matukoy lalo’t miyembro raw ang suspek ng isang malaking drug syndicate.

“Itong Avanza, sa registration red paint pero puti naman ang kulay nito. Ngayon, nakuha natin ang modus nila. Sila, 'pag nakapag-dispose ng malaking halaga, 'yung sasakyan na ginagamit nila pinapapalitan nila agad,” sabi pa ni Cabatingan.
 
Sa panig ng suspek, inamin niyang may iba pang tao siyang itinuturing na supplier at tanging taga-abot lamang ang papel niya.

Pinagsisisihan na umano niya ngayon ang kaniyang pagkakadawit sa ilegal na gawain. Nagawa lamang daw niya ito dahil may sakit ang kaniyang ina. Inamin din niya na siya mismo ay gumagamit din ng ipinagbabawal na gamot.

Nagsasagawa na ngayon ng follow-up operation ang awtoridad para matunton ang iba pang kasamahan ng nahuling suspek.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.