Bato pinuri ang PNP, AFP sa Davao simulation exercise

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 09:07 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nasubok ang abilidad ng mga pulis, sundalo at iba pang law enforcers sa isinagawang Law Enforcement Operations Exercise Miyerkoles ng umaga sa isang mall sa Davao City.

Unang scenario na ipinakita ang bomb explosion kung saan mayroong mga teroristang nakapasok at nag-iwan ng bomba sa labas ng mall.

Sa pagputok ng bomba, maraming sibilyan ang napatay.

Agad namang rumesponde ang mga pulis sa insidente.

Matapos ma-clear ang lugar, rumesponde ang mga kawani ng central 911 para iligtas ang mga biktima.

Matapos ang bomb explosion scenario, hostage-taking scenario naman ang kanilang ginawa sa loob ng mall.

Ipinakita rin nila ang kanilang koordinasyon sa iba’t ibang line units tulad ng central 911, lalo na ang pagbigay ng impormasyon sa local chief executive.

Rumesponde agad ang Special Weapons And Tactics (SWAT) team at napatay ang mga hostage-takers.

Ipinakita rin nila ang isang hijacking scenario sa isang eroplano, at rescue operation gamit ang seacraft.

Ipinakita rin ang ambush scenario kung saan inatake ng mga armadong grupo ang isang police patrol car at police station.

Matapos ang simulation exercise, pinuri ni Philippine National Police chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa ang mahusay na performance na ipinakita ng iba’t ibang law enforcement agencies.

Binigyan ni Dela Rosa ng 9.5 na rating ang ensayo dahil ayon sa kaniya, mayroon pang kailangang ayusin, lalo na sa coordination ng mga line agencies sa pagresponde sa mga emergency. 

“Very satisfied, very comprehensive. Lahat ng posibleng insidente, the response, the coordination is superb. You cannot ask for more,” ani Dela Rosa.

Pinaalalahanan rin ni Dela Rosa ang publiko na sa kahit saan mang mga scenario, maiging makiisa sa mga pulis at i-report agad kung mayroong mga kahina-hinalang tao o bagay.

Sa susunod na buwan, gagawin naman sa Maynila ang Law Enforcement Operations Exercise.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.