'Basura sa El Nido, nasa 20 tonelada kada araw'

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 05:25 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mula sa limang tonelada noon, umabot na umano sa higit 20 tonelada ang nakokolektang basura sa El Nido, Palawan araw-araw magmula nang dagsain ng turista ang bayan. 

Bilang tugon, may ipinatayo nang sewerage treatment plant upang kahit papaano ay mabawasan ang mga itinatapong dumi ng mga establisimyento.

Nakatulong din umano ang pagpapatupad ng ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng plastik sa lugar.

Pero aminado ang Provincial Environmental Management Office (PEMO) na hindi ito sapat para matiyak na wala nang napapakawalang maruming tubig sa dagat. 

Naglaan na ang lokal na pamahalaan ng P245 milyong pondo para masimulan ang kanilang central water treatment facility. 

"Mayroon na kaming gamit diyan panggiling sa mga bote-bote. So malaking bagay din. Binigyan namin ng panahon basta nalaman na namin na punong-puno ang septic tanks nila, nagri-request sila," ani Marcial Hinay, supervisor ng nasabing sewerage treatment plant.

Sa pag-aaral ng PEMO, mataas din ang coliform o dumi sa dagat sa Bacuit Bay sa El Nido. 

Sa inisyal na resulta naman ng ginawang inspeksyon, 80 porsiyento ng mahigit 500 istruktura sa El Nido ang pinatawan ng notice of violation. 

 
Ayon sa provincial government, matagal na dapat nagawan ng aksiyon ang environmental issues sa El Nido.

Maaring may pagkukulang din umano ang local government unit (LGU) kaya't posibleng masampahan ang mga ito ng kasong administratibo. 

Pero depensa naman ng alkalde, matagal nang may business permit ang mga nakatayong estruktura bago pa ang kaniyang termino. 

Umaasa ang mga taga-El Nido na sa pagbibigay-pansin ngayon ng national government, mas mapapabilis ang ginagawang rehabilitasyon sa kanilang bayan. --Ulat ni Rex Ruta, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.