4 lalaki, 1 babae arestado dahil sa pagsusugal, droga

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 05:03 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Arestado ang apat na lalaki at isang babae sa Taguig na naaktuhan umano ng mga pulis na nagsusugal, Martes ng madaling-araw. 
    
Ayon sa mga pulis, nahuli nilang nagka-kara krus ang grupo sa Barangay Ususan sa Taguig. 

Nadiskubre pa umano ang sachet ng hinihinalang shabu sa coin purse ng babaeng suspek na kinilalang si alyas "Emma," at isa pang sachet sa 18 anyos na si alyas "Ben."

Itinatanggi naman ni Emma na nakikipagsugal siya sa apat na lalaki. 

"Pababa po ako nandu'n nga din po sila, pero du'n po sila sa sulok. Tapos mamaya-maya, bigla po silang naglabasan du'n po sa eskinita. Tapos, nagtakbuhan po 'yung mga bata," paliwanang ni Emma.

"Hindi po ako gumalaw du’n, mamatay man po ako, wala po silang nakuhang kahit ano sa akin," dagdag pa nito.

Pero giit ng mga pulis, nagpapalusot lang si Emma.

"Nasa watchlist na namin 'yun. And then, hanggang ngayon, hindi pa tumitigil. Kahit na nagre-rehab 'yan, parang pakitang-tao lang na nagbago na siya," ani Chief Inspector Juan Cipriano Jr., komander ng Taguig PCP 6.

Inako naman ni Ben ang nakumpiskang droga.

Kinasuhan na ang lima ng paglabag sa batas laban sa ilegal na pagsusugal. Sasampahan din ng kasong possession of illegal drugs sina Emma at Ben.
    
--Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.