2 sa 6 na 'sumaksak' sa lalaking 'nanlaban' sa holdap, arestado

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 09:24 PM

Hindi bababa sa 20 tahi ang ginawa ng mga doktor kay Dandan Cabalu matapos mag-agaw-buhay nang pagsasaksakin ng anim na holdaper sa Barangay Gulod, Quezon City.

Sa kuha ng CCTV sa Joan Of Arc Street madaling araw noong Pebrero 13, makikita si Cabalu na pumapalag sa isang lalaki na sinasaksak siya ng kutsilyo.

Kahit na pinagtulungan na siya ng limang iba pang kasabwat, tuloy pa rin ang pag-iwas ni Cabalu pero tuluyan na itong bumagsak dahil sa walang-habas na pananaksak. 

"May dala silang mga pamalo...Nasa eskinita, may mga itak...Initak ako," pag-alala ni Cabalu.

Nitong lamang linggo, naaresto ng mga pulis ang dalawa sa anim na holdaper na sina Marlon Magbitang at Aisle De Leon. 

Nais ng ina ni Cabalu na mabulok sa bilangguan ang mga sumaksak sa kaniyang anak.

"Talamak ang ganiyang gawain dito sa mga Novaliches...Kawawa 'yung anak ko dapat makulong sila habangbuhay," giit ng ina ng biktima.

Ayon naman sa Quezon City Police District (QCPD) Station 4, kilala ang grupo sa pagnanakaw sa lugar. 

"Itong grupo na 'to, lakad nito 'yung robbery hold-up [so] kung ano 'yung kanilang matiyempuhan sa daan, 'yun 'yung hoholdapin nila at kung wala na silang target na ganu'n, mag-aakyat-bahay naman," ani Senior Inspector Randy Llanderal, hepe ng Police Community Precinct 2 ng QCPD Station 4.

Ikinasa na ng pulisya ang manhunt operations laban sa iba pang mga suspek na sina Jeric Andrei De Lima at tatlo pang kasamahan nito sa grupo.

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.