2 patay sa pamamaril sa Antipolo

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 08:54 PM

Dalawa ang patay matapos pagbabarilin sa Antipolo, Rizal nitong Miyerkoles ng hapon. Kuha ni barangay administrator Lambert Oliveros

Dalawa ang patay matapos pagbabarilin sa loob ng sasakyan sa Barangay San Roque, Antipolo, Rizal, pasado ala-5 ng hapon nitong Miyerkoles.

Ayon kay barangay administrator Lambert Oliveros, nakahinto sa stoplight at tatakbo na sana ang sasakyan ng mga biktima nang bigla silang binaril ng hindi pa nakikilalang salarin.

Bigla raw nawalan ng kontrol ang driver, naapakan ang silinyador at nabangga ang tricycle at SUV na nasa harapan nito.

Dahil sa lakas ng impact, tumaob ang sasakyan ng mga biktima.

Nakaligtas ang pasahero ng tricycle at SUV, maging ang isang menor de edad na noo'y nakasakay sa likod ng kanilang sasakyan.

Agad na tumawag ng ambulansiya ang barangay para mabigyan ng paunang lunas ang mga apektado sa aksidente.

Inaalam pa kung may kasabwat ang naturang salarin at ang posibleng motibo sa krimen.

Tinitingnan din kung nahagip sa CCTV camera ang insidente.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.