Mga dapat malaman sa nakasalang na divorce bill

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 05:11 PM | Updated as of Feb 27 2018 06:06 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Lumusot na sa komite ng Kamara ang panukalang divorce bill na naglalayong padaliin ang proseso ng pagpapawalang bisa ng kasal. 

Kaugnay nito, tinalakay sa programang 'Usapang de Campanilla' nitong Lunes ang ilan sa mga probisyong nakapaloob sa panukalang batas.

Homosexuality

Ayon kay Atty. Claire Castro, pinapayagan umano ng panukalang batas na gamitin ang seksuwalidad ng asawa para maging basehan ng diborsiyo.

"Before, kailangan mong i-prove na 'yung pagiging homosexual niya, he cannot perform the essential marital obligation. Dito kasi, lumalabas na once na-prove mo na homosexual siya, it can be a ground na," paliwanag ng abogado.

Pagkakakulong ng 6 na taon o higit pa

Sa panukalang batas, maaari na rin umanong mapawalang bisa ang kasal kung nasentensiyahan ang iyong asawa ng 6 na taon o higit pang pagkakakulong.

"Let's say, 'yung naging asawa mo, naakusahan ng drugs, nakulong, sabihin nating 15 years, ground na 'yun para mapawalang bisa mo ang kasal," ani Castro.

Drug addiction o habitual alcolohism

Ayon pa sa abogado, puwede na rin umanong mapawalang bisa ang kasal kung nalululong na ang asawa sa droga o masamang bisyo.

Samantala, pinapayagan din umano ng panukalang batas na gamiting basehan sa diborsiyo ang pagkakaiba ng paniniwala sa politika at relihiyon, at pagpapakasal ng asawa sa iba.

Dagdag pa ng abogado, mas madali na rin umano ang diborsiyo sa mga nabubugbog ng asawa, dahil sa ilalim ng panukalang batas, hindi na umano kailangang patunayan na may "antecedent" ang pisikal na pang-aabuso.

Pinayuhan naman ni Castro ang mga nagpaplano pa lang magpakasal na isipin munang mabuti bago lumagay sa tahimik.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.