Karamihan ng mga establisimyento sa El Nido, lumalabag umano sa environmental laws

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 05:56 PM | Updated as of Feb 27 2018 06:19 PM

Aabot umano sa 80 porsiyento ng mga establisimyento sa El Nido, Palawan ang mapapatawan ng notice of violation dahil sa iba't ibang paglabag sa environmental laws.

Sa pag-aaral ng Provincial Environmental Management Office (PEMO), mataas ang presensiya ng coliform o dumi sa dagat sa Bacuit Bay sa El Nido, na tanyag sa mga lagoon at mga isla. 

Sa inisyal na resulta rin ng ginawang inspeksiyon, aabot sa 80 porsiyento ng mahigit 500 establisimyento ang papatawan ng notice of violation.

Mula nang mag-umpisa ang inspeksiyon noong nakaraang linggo, aabot na sa 150 na establisimyento ang napatawan na ng notice of violation.

Ilan sa mga establisimyento ay walang discharge permit, habang ang iba naman ay walang environmental compliance certificate.

Ayon sa batas, nasa P10,000 hanggang P200,000 kada araw ang multang ipapataw sa mga lumabag sa batas hangga't hindi ito naaayos.

"Kaya kami nakapagbigay ng initial na 80 percent kasi bago pa man mag-conduct itong aming task force El Nido, mayroon na kaming na-issue na less than 100 na NOVs (Notice Of Violation) sa kanila. Subject for technical conference and imposition ng penalty," ani Alex Coden, provincial environmental management officer.

Aminado ang provincial government na matagal na dapat nagawan ng aksiyon ang mga isyung kinakaharap ng turismo ng El Nido, pero nakasalalay sa lokal na pamahalaan ng bayan ang pagsiguro na may basehan ang pagbibigay ng permit sa mga establisimyento.

"We are studying all the legal possibilities doon sa may mga pagkukulang sa LGU (local government unit). 'Yun talagang from the perspective ng mga common na tao na alam niyang mali, mali agad na alam niyang napakalapit na so 'yan ang tinitignan natin ngayon. Talagang walang makakawala na dapat kung sino ang may sala dapat maparusahan," ani Atty. Gil Acosta, provincial information officer.

Ayon naman sa alkalde ng El Nido, matagal nang mayroong business permit ang mga nakatayong istruktura sa lugar.

May mga hinainan na rin ng notice of violation dahil sa umano'y paglabag sa environmental laws.

"Actually po, may mga notices po tayo, marami po tayong sulat sa kanila. Mayroon tayong documents na magso-show na pinapadalhan natin sila ng sulat at notice. Actually po, last year, hindi na po tayo nakapag-issue ng business permit sa kanila pag-upo po natin," ani Mayor Niever Rosento.

"Noong 2017, andami na po nating hindi in-issuehan (ng permit), the documents will show. At dahil this is my first term, parang sa akin lahat naibabato ang lahat ng sisi," dagdag pa niya.

Umaasa naman na sa pagbibigay-pansin ng national government sa environmental issues sa mga tourist spots ay mas mapadadali ang ginagawang rehabilitasyon sa bayan, lalo na't patuloy na tumataas ang bilang ng mga turista sa El Nido.

Ang maigting na pagpapatupad ng environmental laws sa El Nido ay nagaganap sa gitna ng paglilinis sa Boracay, isa ring tanyag na tourist destination na may problema umano sa sewage. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.