Bahay ni Aquino tinangkang batuhin ng putik ng Yolanda survivors

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 10:59 AM | Updated as of Feb 27 2018 12:14 PM

MANILA - (UPDATED) Tinangkang batuhin ng putik ng ilang nagpakilalang biktima ng Super Typhoon Yolanda at mga militante ang bahay ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa Times Street, Quezon City ngayong Martes.

Nagpahid din ng putik sa mukha at katawan ang ilang nagsagawa ng mud protest, kabilang ang mga miyembro ng People Surge, upang ipaalala kay Aquino ang trahedyang kumitil sa mahigit 6,000 katao noong 2013.

Giit ni Marissa Cabaljao, tagapagsalita ng grupo, mahigit 4 na taon na mula ang nagdaan mula nang manalasa si Yolanda pero hindi pa rin kumpleto ang relokasyon at pabahay sa mga survivor.

Gayunman, hindi nakalapit ang mga demonstrador sa bahay ng dating pangulo dahil sa bagong tayong gate sa kanto ng Times at West Fourth streets.

Pinondohan ng lokal na pamahalaan ang P4-milyon na gate na itinayo dahil sa dumaraming insidente ng rally sa tapat ng bahay ni Aquino.

Dahil dito, hanggang sa kalsada lang umabot ang putik na ibinato ng mga raliyista.

Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.