'Anti-women': Grupo nagbabala sa 120-day maternity leave

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 04:28 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagbabala ang malaking grupo ng mga negosyante at employer sa posibilidad na mas makasama pa sa mga babae ang panukalang pagpapalawig ng maternity leave.

"It's an anti-women law because companies will defer hiring of women...Can you imagine the cost of one girl you're hiring? It's way out of proportion. Employers will therefore look for other ways to save money," ani Donald Dee, presidente ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP).

Sa kasalukuyan, aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang naturang panukala.

Sa ilalim nito, palalawigin ang maternity leave mula sa umiiral na 60 araw pataas ng 120.

Ayon kay Dee, hindi lang mga babae kung hindi maging ekonomiya ng bansa ang maaapektuhan.

"These are the kinds of things that will make it difficult for the country to generate more industrial projects."

'Banta' sa kalusugan

Si Senador Risa Hontiveros, sa tulong ng ilang medical experts, ang nagtutulak sa panukala. 

Ayon sa mga doktor, kulang ang 60 araw para kabuuang maka-recover ang mga nanay mula sa panganganak. 

"Kung pababalikin niyo po nang mas maaga sa trabaho, meron din pong stress do'n, work-related stress... Sa halip na maka-recover 'yung ating ginang, mas lalo pa pong magkakasakit," paliwanag ni Dr. Edmyr Macabulos, presidente ng Philippine College of Occupational Medicine.

Apektado din ng 60-day maternity leave ang pagbe-breastfeed ng mga bagong ina. 

"Sana six months na pure breastfeeding. [Imagine] 'yang mga nanay makipagbalyahan sa jeep, sa MRT, sa bus, dala 'yung bote at breast pump? Napakahirap," ayon kay Patricia Gomez ng Integrated Midwives Association of the Philippines.

Aniya, malaki ang benepisyo ng mas mahabang maternity leave para sa employers dahil kung matutukan nang maigi ang anak, hindi ito magiging sakitin at hindi madalas magliliban sa trabaho ang mga ina. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.