Sapilitang tigil-pasada, itinanggi ng transport group

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2017 08:37 AM

Pinabulaanan ng transport group na Stop and Go ang mga ulat na nangingikil sila sa mga kapwa operator at driver na tumangging lumahok sa malawakang tigil-pasada ngayong Lunes.

"Walang katotohanan iyan, 100 percent iyan na kasinungalingan na ang Stop and Go ay nangongoleksyon," sinabi ni Jun Magno, presidente ng grupo, sa DZMM.

Una nang inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nakatanggap sila ng impormasyong nangongolekta ng multa ang Stop and Go at grupong Piston mula sa mga driver na hindi sumali sa protesta.

"Nakakarating na po sa amin na you are preventing the other operators from plying their routes, especially po rito sa Bulacan area," ani LTFRB Board member Atty. Aileen Lourdes Lizada sa hiwalay na panayam ng "Umagang Kay Ganda" sa ABS-CBN.

"Minumultahan po nila ng P1,000 ang mga driver na gustong bumiyahe. Huwag naman po sana."

Binalaan din ni Lizada na iligal ang pagsasagawa ng tigil-pasada upang iprotesta ang plano ng LTFRB na pag-phaseout sa mga lumang pampublikong sasakyan.

Idiniin naman ni Magno na hindi umano inanunsyo ng LTFRB na sa ilalim ng naturang programa ay kakailanganing magkaroon ng P7 milyon na kapital ang mga jeepney operator at driver.

Itinanggi rin niyang nakikipag-ugnayan ang LTFRB sa kanila.

Kasabay nito, hinamon niya ang ahensya na isapubliko ang mga nilalaman ng modernization plan.

"Bakit hindi nila ibigay sa media man lang ang laman ng kanilang modernization, ang mga nakapaloob doon?" sabi ni Magno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.