Mga mangingisda, nagprotesta sa Palawan

Chinee Palatino, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2017 11:48 PM

PALAWAN - Nagkilos protesta sa labas ng opisina ng Palawan Council For Sustainable Development (PCSD) Lunes ng umaga ang isang grupo ng mga mangingisda sa Palawan laban sa ipinatutupad na closed season sa panghuhuli ng mga lapu-lapu.

Giit ng mga nagprotesta, kontra-mangingisda umano ang regulasyong ito dahil ramdam nila ang epekto nito sa kanilang kabuhayan.

"Grabe ang sikip sa dibdib dahil marami na po kaming mga anak na hindi nakapag-aral; maraming kagamitan na rin ang ipinabenta dahil sa dalawang buwan na off-season, " ani Annalie Delos Santos, mangingisda at vice-president ng Pamalakaya-Palawan.

Ayon sa Administrative Order No.5 ng PCSD, ipagbabawal manghuli ng lapu-lapu mula June 16 hanggang August 31 at October 16 hanggang December 31. Maari naman umanong manghuli ng lapu-lapu mula December 16 hanggang June 15 at September 1 hanggang October 15.

Pero giit ng mga mangingisda na may likas na closed season ang karagatan sa panahon ng amihan at umaabot umano ito ng halos anim na buwan. Kapag naman may bagyo ay hindi rin sila makapangisda.

Tutol din sila sa size restriction at catch ceiling limitation sa panghuhuli ng mga reef fish.

Tumugon ang PCSD sa hinihingi nilang dialogue. Humarap ang direktor ng ahensya sa ilang lider ng mga mangingisda. Handa rin umanong makipag-usap ang gobernador ng Palawan tungkol sa kanilang mga hinaing.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.