Mga tagasuporta ni Duterte, magtitipon sa Luneta

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2017 09:54 AM | Updated as of Feb 25 2017 03:02 PM

MANILA - Nakatakdang magtipon ang mga taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Luneta Park sa Sabado ng hapon, upang tapatan ang pwersa ng mga mag-ra-rally sa EDSA para sa selebrasyon ng anibersaryo ng People Power revolution.

Sabi ni Constancio Tiongco ng Mayor Rodrigo Duterte National Executive Coordinating Committee, malamang daw ay puputaktihin ng kritisismo si duterte ngayong araw kaya magra-rally din sila upang magpahayag ng suporta sa pangulo.

Ayon kay Tiongco, hindi sila pwedeng maupo na lang habang nag-iingay ang mga Anti-duterte groups para ipanawagan ang pagpapatalsik sa pangulo.

Samantala, susugod din sa embahada ng Estados Unidos ang mga maralitang grupo, sa pangunguna ng kadamay, upang kondenahin ang nanatili umanong pakikialam ng mga Amerikano sa Pilipinas.

Sabi ni Carlito Badion, ang Secretary General ng Kadamay, dismayado rin sila sa mistula umanong pagkakasundo ni Duterte at ni US President Donald Trump upang muling sumandal ang Pilipinas sa Amerika.

Dahil dito, asahan din na magiging masikip ang trapiko sa Maynila, partikular sa area ng Roxas boulevard kung nasaan ang Luneta Park at US Embassy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.