Mga estudyante, nag-walkout sa klase bilang protesta kay Duterte

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 12:06 AM | Updated as of Feb 24 2018 12:37 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nag-walkout mula sa kanilang mga klase ang mga estudyante sa iba't ibang bahagi ng bansa kontra sa mga pang-aabuso umano ng kasalukuyang administrasyon.

Sumama sa walkout ang mga estudyante ng University of the Philippines-Diliman para tutulan ang mga polisiya ni Pangulong Rodrigo Duterte tulad ng war on drugs, martial law sa Mindanao, ang malapit na pakikipag-ugnayan sa bansang China, at ang isyu ng press freedom. 

Sinamahan pa sila ng mga jeepney driver na nagpoprotesta laban sa jeepney phaseout at mga vendor na umaalma sa tax reform law.

“Tayo ay nagra-rally dahil harap-harapan nating nakikita ang pag-balewala sa ating karapatan, ang karapatan ng sambayanang Piilipino," ani Almira Abril, chairperson ng STAND-UP, isang organisasyon sa UP. 

Ipinagtanggol naman ng ilang nagtuturo sa UP ang paglahok ng mga estudyante sa protesta. 

“What is the point of the university even? The point of the university is to develop critical thought, critical thinking,” pagdepensa ni Mon Sy, isang UP instructor, na sumama rin sa protesta. 

Sa España sa Maynila ay sumama naman ang mga estudyante mula sa Polytechnic University of the Philippines.

Tutol din sila sa administrasyong Duterte kahit pa naisabatas ang libreng tuition sa kolehiyo na hindi pa raw nila nararamdaman.

Nakiisa rin ang ilang estudyante ng University of Santo Tomas (UST) sa protesta na nagpahayag ng pangamba sa napipinto umanong diktadura ni Duterte.

"Hindi tayo mabibigla baka nationwide na ang deklarasyon ng martial law," ani Bluei Fausto, chairperson ng League of Filipino Students-UST. 

Effigy ni Duterte, maskara nina Mocha Uson, Harry Roque, sinilaban

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pagkatapos ng walkout sa mga classroom ay nagmartsa na ang mga estudyante pa-Mendiola, Maynila para ipagpatuloy ang protesta. 

Nagmistulang parada ng mga effigy ni Duterte na animo'y hari, hawak at suot ang mga bagay na nagpapahirap umano sa mga Pilipino, ang protesta. 

Sa paligid ng effigy ni Duterte ay ang mga nakamaskara na sina Palace Communications Assistant Secretary Mocha Uson at Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ayon sa mga dumalo sa rally, layon nilang ipakita na nagkakaisa hindi lang ang mga kabataan kundi maging ang iba pang sector na tuligsain ang mga polisiya ng pamahalaan.

"Nanginginig na po ang Malacañang, natatakot sa lumalaking paglaban ng kabataan at ng taumbayan," ani Einstein Recedes, secretary general ng Anakbayan. 

Umpisa pa lang daw ito ng mga protestang ikakasa ng mga estudyante para hamunin ang Pangulo na baguhin ang kaniyang mga polisiya at gawin ang mga itong mas makatao. 

Inabangan ang pagsunog sa effigy ni Duterte at sa mga maskara nina Uson, Roque at iba pang Cabinet secretaries. 

--Ulat nina Adrian Ayalin at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.