Bilang ng mga turista sa 'Boracay' sa Palawan, tumataas na

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2018 11:44 AM

Tumataas na ang bilang ng mga turistang bumibisita sa Long Beach sa bayan ng San Vicente sa Palawan na maihahambing sa Boracay. Rex Ruta, ABS-CBN News

PALAWAN - Unti-unti nang tumataas ang bilang ng mga turistang dumadayo sa Long Beach at Port Barton sa bayan ng San Vicente sa Palawan, na maihahambing sa Boracay.

Inasahan na umano nila ito nang buksan ang flights papunta at mula sa Puerto Princesa at Coron.

Pagpasok pa lang ng buwan ng Enero, pumapalo na sa 300 turista ang pinipiling mag-island hopping sa Port Barton at maligo sa 13.5-kilometrong Long Beach na inihahambing sa isla ng Boracay.

Sa datos ng Municipal Tourism Office noong 2016, nasa 21,023 ang tourist arrivals. Pumalo naman ito ng 26,377 nitong 2017.

Sinisiguro din ng lokal na pamahalaan na kakayanin nilang makipagsabayan sa iba pang tourist destinations sa Palawan.

Hindi na magiging malaking hamon ang mga problema sa paglago ng turismo gaya ng basura, polusyon at kaayusan ng mga establisyimento.

Katuwang ng pamahalaan ng San Vicente ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) para pamahalaan ang master plan sa bayan.

Hinati sa 3 cluster ang paglalaan ng pondo para sa gagawing development kung saan prayoridad ang pagsasaayos ng Long Beach na nasa cluster 1, na sakop ang limang barangay.

Dito ipinapatupad ang 50-metrong easement zone o ang layo ng mga gusali sa highest tide. 

Kailangang 50:50 ratio din ang sundin ng mga nagmamay-ari ng lupa. Ibig sabihin, 50 porsyento lang ang puwedeng pagtayuan ng gusali at open space lang ang natitirang 50 porsyento.

May sinusunod rin na taas ng establisyimento para hindi umano nagsasapawan sa pagtanaw sa dagat.

25-metrong easement zone naman ang ipatutupad sa cluster 2 kung saan sakop ang Port Barton. 

Dito maraming resort at negosyo ang masasagasaan pero kinakailangan anila na mapatupad dahil nasa Port Barton ang 80 porsyento ng tourist arrivals sa bayan.

Payag naman ang tourism players sa magandang plano para sa kaayusan ng kanilang turismo.

Sisimulan na rin ng TIEZA na mapagawan ng tourism assistance center sa Port Barton at dahil walang docking area para sa mga nag-a-island hopping, sisimulan na rin ito ngayong taon.

Hindi na rin umano kailangang problemahin pa ang sanitation dahil mayroong ng 7 sewerage treatment plant sa Poblacion at 2 pa sa Port Barton.

Naglaan na rin ng mahigit P2 milyon para sa water system.

Malaking problema na lang umano na unti-unting sinosolusyunan ang kuryente at ang pagsasaayos pa ng mga kalsada.

Samantala, tinututukan na rin ngayon ng local government unit ang problema sa basura at polusyon sa El Nido.

Pinuna na rin ng provincial government ang tila maluwag na pagbibigay ng permit para sa mga nagsusulputang gusali sa El Nido.

Nakikipag-ugnayan na rin ito sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang gibain ang mga gusali na masyadong malapit sa dagat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.