171 katao, dinampot sa Parañaque dahil sa paglabag sa mga ordinansa

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2018 06:44 AM

Dinampot ng pulisya ang 171 katao matapos lumabag sa iba't ibang ordinansa sa Parañaque nitong Huwebes ng gabi hanggang Biyernes ng madaling araw.

Kabilang na rito ang 69 menor de edad na lumabag sa curfew, 84 na umiinom sa pampublikong lugar, at 3 naglalakad sa kalsada nang walang damit pang-itaas. 

Naaresto rin ang 2 lalaki sa ikinasang buy-bust operation ng Parañaque police at 4 katao matapos mahuli sa aktong nag-po-pot session. 

Aminado si Senior Supt. Leon Victor Rosete, hepe ng Parañaque police, na mas marami ang nahuli sa anti-criminality operations ngayon kumpara sa huling operasyon noong Feb. 8 na nasa 125 lamang ang naitala.

Giit ni Rosete, mas marami ang drug-related cases ngayon kumpara dati at maging ang mga kaso ng drinking in public kung saan pawang mga construction worker ang sangkot.

Ayon sa Parañaque police, paiigtingin nito ang pagpapakalat ng impormasyon.

Ang mga magulang ay nabibigyan na rin umano ng warning lalo na ukol sa mga kabataang paulit-ulit na nahuhuli sa kalsada dahil sa curfew.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.