Konsehal sa Maguindanao, timbog sa buy-bust

Jasper Acosta ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2017 05:21 PM

Arestado sa buy-bust operation ang isang konsehal ng bayan ng Guindulungan, Maguindanao.

Inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Saiden Utto sa Barangay Mileb, Rajah Buayan, Maguindanao. 

Narekober sa kanya ang 20 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P50,000.

Ayon sa PDEA-Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), 4 na buwan din nilang isinailalim sa surveillance si Utto. 

Nagpakilala pa umano si Utto na miyembro ng isang armadong grupo sa central Mindanao.

Agad din na umalis sa lugar ang mga operatiba ng PDEA-ARMM matapos ma aresto si Utto dahil sa nakalap na report ng militar na mayroon umanong 50 armadong tao na nais na i-rescue si Utto sa lugar kung saan ito na aresto.

Sa presinto, tumanggi nang magbigay ng komento si Utto hinggil sa alegasyon na sangkot ito sa bentahan ng iligal na droga.

Ayon sa PDEA-ARMM, pumapangalawa si Utto sa listahan ng ahensiya kasunod ni Fatima Baliwan na una nang naaresto sa Cotabato City.

Noong Oktubre 2016, nagsilbi na ng search warrant sa bahay ni Utto sa Barangay Macasampen, Guindulungan pero wala ito sa kanyang bahay.

Nakapiit sa ngayon ang konsehal sa selda ng PDEA-ARMM at nakatakda ng sampahan ng kaso.