Mga nag-aayuno kontra charter change, pinaaalis na sa People Power Monument

Patrick Quintos, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 06:48 PM

Mula kaliwa hanggang kanan: Nakiisa sina Herminio Agsaluna, Jomlee Callon, Randy Cirio at Orlando Penamante sa isang 9-araw na pag-aayuno sa People Power Monument bilang protesta sa isinusulong na charter change. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA - Maagang pinaaalis ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang mga magsasaka, mangingisda, katutubo at paring nag-aayuno bilang protesta sa charter change sa People Power Monument sa EDSA. 

Sabado nagsimula ang ayuno ng grupo ng mga magsasakang PAKISAMA. Nais sana nilang manatili sa People Power Monument hanggang sa Linggo ng tanghali, anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, para makompleto ang 9 na araw ng ayuno.

Pero sabi ni NHCP Chairman Rene Escalante, kailangan nang umalis sa lugar ng mga nag-aayuno sa Biyernes dahil lalagyan ito ng mga serbisyong bayan booths na kasama sa mga programang nakalinya para sa selebrasyon ng ika-32 anibersaryo ng People Power Revolution. 

"Ang problema diyan, come Friday, magki-clearing na diyan for security reasons, siyempre for the Sunday event," sabi ni Escalante sa ABS-CBN News Huwebes ng hapon.

"Mayroon po kami diyang mga serbisyong bayan, medical and dental mission, at diskuwento caravan. Sa umaga po 'yun ng Linggo," dagdag pa niya. 

Linggo aniya ng umaga ang programa ng NHCP sa People Power Monument, at sa hapon naman magaganap ang mga protesta doon.

Paliwanag ni Escalante, nagkampo sa People Power Monument ang mga nag-aayuno nitong Sabado, at Lunes na nanghingi ng permit sa NHCP, ang ahensiyang inatasang mag-alaga sa makasaysayang pook. 

Pinayagan naman aniya nila ang mga ito na magkampo pero ngayong Biyernes ay bawal na sa tapat ng monumento at kailangan na nilang lumipat sa ibang espasyo.

Mula pa sa probinsiya ang ilan sa mga nag-aayuno at nakarating lang sa Maynila sa tulong ng mga grupong nag-organisa ng kanilang pagkilos. Kabilang dito si Jomlee Callon, mangingisda mula sa isang islang barangay sa Balabac, Palawan.

Bitbit ng 38 anyos ang reklamo ng kanilang barangay sa malaking negosyanteng ilegal umanong humahawak sa isla ng Bugsuk at pumipigil umano sa kanilang mangisda sa dagat na nakapalibot sa kanilang barangay. 

"Kailangan namin makipagbuno sa kanila. Sa loob ng isang araw, 5 bangka papasok, 'yan magpapahabol. Habang hinahabol ito, 'yung 5 bangka na iba papasok, mangangawil na 'yan, mabilisang pangangawil 'yan," ani Callon sa isang panayam Miyerkoles. 

Nakaatang aniya sa Saligang Batas na ipinagtibay noong 1987 ang laban ng maliliit na manggagawa tulad nila para sa tunay na reporma sa lupa at hustisya. 

Kaya naman ganoon na lang ang pagkontra nila sa isinusulong na reporma ng Konstitusyon upang baguhin ang sistema ng gobyerno tungo sa pederalismo. 

Dagdag pa ni Fr. Robert Reyes, isa rin sa mga nag-aayuno, hindi Saligang Batas ang palpak kundi ang mga dapat nagpapatupad nito. Ang laban aniya nila ay kontra sa mga makapangyarihang pamilya na makikinabang sa pagbabago sa ilang probisyon ng Konstitusyon. 

"Maraming probisyon sa 1987 Constitution ang hindi pa nai-implement. Number 1 na hindi pinatupad diyan ang anti-dynasty law. This is not about the failure of the Constitution kundi ng pamahalaan," ani Fr. Reyes. 

Nakikiusap ang grupo na hayaan silang mag-ayuno sa tapat ng monumento hanggang Linggo. Pero binigyang-diin ni Escalante, hanggang Biyernes na lang talaga sila puwedeng manatili doon.