Libreng sapatos, ipinamahagi sa mga kabataan sa Palawan

Hazel Salas, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 05:37 PM

Namigay ng libreng sapatos ang Rotary Club of Emory Clifton para sa mga kabataang nakatira sa liblib na mga barangay ng bayan ng Aborlan sa Palawan. Photo courtesy of Pia Valeriano, pangulo ng Rotary Club of Emory Clifton

 ABORLAN, Palawan – Mahigit 1,000 pares ng libreng sapatos ang ipinamigay ng isang grupo mula Estados Unidos para sa mga kabataang nakatira sa malalayong barangay dito sa bayan. 

Nitong nakaraang linggo, dumayo ang Rotary Club of Emory Clifton ng Atlanta, Georgia sa bayan ng Aborlan upang maghatid ng tulong sa mga kabataang nag-aaral sa mga liblib na barangay tulad ng Ramon Magsaysay, Tigman, Jose Rizal at Sagpangan.

Nakita umano nila ang pangangailangan ng mga kabataan ng maayos na sapatos lalo na kapag papasok sa eskuwela.

Kasabay nito ay nagsagawa rin ang grupo ng feeding program.

Naniniwala sila na maraming sakit ang maiiwasan kung magkakaroon ng maayos na proteksiyon sa paa ang mga bata. Kabilang dito ang bulate, mikrobyo at iba pang parasitikong nakasasama sa kalusugan mapa-bata man o matanda.

Karamihan umano sa mga nakapanayam nila na estudyante at magulang ang nagsabing kapos sila sa pera kaya hindi makabili ng maayos na sapatos.

Nakatulong din nila sa kanilang misyon ang ilan pang non-government organization sa Puerto Princesa. Hindi umano ito ang huling pagkakataong mamimigay sila ng sapatos dahil ikakasa rin nila ang “The Shoe for Health” project sa mga susunod na taon para sa iba pang kabataang Palaweño.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.