Pag-grado sa field trips, ipinagbabawal: DepEd

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2017 09:57 AM | Updated as of Feb 22 2017 10:11 AM

MANILA - Kasunod ng field trip na nauwi sa aksidenteng ikinamatay ng 15 katao sa Tanay, Rizal, ipinaaala ng Department of Education na hindi mandatory ang mga educational tour at hindi rin dapat gawing batayan ng grado.

"Hindi naman po mandatory ang field trip at hindi naman po iyan naka-attach doon sa grades. Ipinagbabawal po iyan sa polisiya natin," ani DepEd Planning and Field Operations Usec. Jesus Mateo sa panayam ng DZMM.

Ipinagbabawal din anyang idaos ang mga fied trip sa "mga mall, TV shows at malalayong lugar."

"Ang tinitingnan natin dito ay kaligtasan ng ating mga mag-aaral," paliwanag ni Mateo.

Depende sa bilang ng mga estudyante, kailangan din anyang may kasamang guro at kahit isang magulang sa mga educational tour.

Dagdag ni Mateo, naka-atas sa paaralan na ipagbigay-alam sa mga magulang ang anumang school activity sa pamamagitan ng mga parent-teacher conference.

Hinihikayat din anya ng DepEd ang mga paaralan na kumuha ng sponsor upang hindi sagutin ng mga magulang ang mga gastusin sa field trip.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.