Dahil sa nawawalang bote ng alak, lalaki sinaksak ng pinsan

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2017 04:03 PM

Photo: ABS-CBN News

PASUQUIN – Isinugod sa ospital ang isang magsasaka matapos siyang saksakin ng kanyang pinsan sa Barangay San Isidro, Pasuquin, Ilocos Norte noong Martes, dahil sa alitan na nag-ugat sa nawawalang bote ng alak. 

Nagtamo ng saksak sa dibdib at kanang balikat ang biktimang si Melchor Savalla, 52, matapos atakihin ni Ferdinand Batuyong.

Ayon sa mga imbestigador, dumalo sa isang pagsasalo ang dalawa nang nagkainitan dahil sa umanong pagkawala ng bote ng alak na dala ng biktima.

"Umiinom iyong suspek nang dumating iyong biktima, at hinahanap niya iyong binili niyang bote ng alak na lumalabas na pinamigay ng suspek sa mga barkada niya," ani PO1 Alexon Rosal, imbestigador ng Philippine National Police-Pasuquin.

"Matagal na silang may alitan kahit mag pinsan sila," ani Rosal.

Agad na inaresto ng mga pulis ang suspek, na siyang haharap sa kasong frustrated homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.