SAPUL SA CCTV: 3 lalaki, nanloob sa tindahan sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 10:14 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakuhanan sa CCTV ang panloloob sa isang tindahan sa Pulang Lupa, Las Piñas City.

Maghahatinggabi noong Lunes nang pasukin ng 3 lalaki ang motorcycle shop ng isang Bayan Patroller sa Las Piñas.

Saktong palabas noon ang ilang mga kustomer na tinadyakan at tinutukan ng baril ng mga suspek.

Pagpasok sa tindahan, inagaw ng isa sa mga suspek ang bag ng isang kustomer at dumiretso sa kaha.

Hindi na nakapalag ang mga bantay ng tindahan na pinayuko sa isang sulok.

Nakuha ng mga suspek ang pera sa kaha na nasa P4,000, 4 na cellphone na aabot sa P13,000 ang halaga, at helmet at langis na binebenta sa tindahan.

Tinangay rin ng mga kawatan ang motorsiklo ng isang kustomer na ginamit bilang getaway vehicle.

Nagkakahalaga umano ito ng halos P70,000.

Wala pang 2 minuto ang itinagal ng buong krimen.

Iniimbestigahan ng Las Piñas City Police ang insidente, at pinag-aaralan na rin ang video na tinurn-over ng Bayan Patroller.

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.