Buhos ng ayuda sa pamilya Demafelis, patuloy; dumadaing na OFW, dumarami

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 10:23 PM

Patuloy ang pagbuhos ng tulong sa naiwang pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) na si Joanna Demafelis matapos ang malagim na pagpaslang sa kaniya sa Kuwait.

Pinaglalamayan ngayon si Demafelis sa Sara, Iloilo at araw-araw ay iba't ibang ahensya ng gobyerno ang dumarating upang magpa-abot ng tulong.

Kasama na rito ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na nagbigay ng scholarship grants sa 4 na pinsan ni Demafelis. 

Ang pinakahuli ay P100,000 financial assistance mula mismo sa probinsya ng Iloilo.

Pati ilang kaanak ng mga OFW sa Kuwait na hindi personal na kilala ng mga Demafelis, nakikiramay rin.

Dumaraming daing

Kabilang sa mga nakiramay ay ang mag-inang sina Lolita at Roque Diaresco ng Brgy. Bacabac, Sara. 

Naging oportunidad sa mag-ina na maisumbong sa Overseas Workers Welfare Administration ang nawawala nilang kaanak na si Racil, isang household service worker din sa Kuwait.

Taong 2016 nang magtrabaho si Racil sa Kuwait pero ngayon ay hindi na alam ng pamilya ang kaniyang kalagayan.

"Hindi na siya kumontak sa amin, nasa 1 year and 4 months na. Nakapagpadala siya sa amin ng 4 na buwan, tapos wala na," ani Roque, kapatid ng nawawala. 

Nangako naman ang OWWA na tutugunan ang idinulog na problema.

Matapos kumalat sa Iloilo ang sinapit ni Demafelis sa Kuwait, dumami na umano ang natatanggap na reklamo tungkol sa mga kalupitang sinasapit ng kanilang kapamilya sa ibang bansa.

Ito ay ayon sa ulat ng Migrant Workers Help Desk ng Jaro Archdiocesan Commission on the Pastoral Care of Migrants and Itinerant (JACMI).

Karamihan umano sa mga lumalapit sa JACMI ay mga pamilya ng OFW na nagkakaproblema sa employer.

--Ulat ni Cherry Palma, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.