Bagong alkalde ng Puerto Princesa, nanumpa na

Cherry Camacho, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2017 03:39 PM

Cherry Camacho, ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA – Nanumpa na bilang alkalde ng Puerto Princesa si Bise-Alkalde Luis Marcaida III, matapos matanggal sa puwesto ang dating mayor na si Lucilo Bayron.

Nanumpa ang bagong Mayor, Martes ng tanghali sa sala ni Judge Angelo Arizala ng Regional Trial Court Branch 52.

Ayon kay Marcaida, ginawa niya ang panunumpa bilang pagtugon sa kanyang tungkuling pagsilbihan ang publiko. 

Nakasaad sa pinirmahan nitong oath of office na dapat ay gagampanan nito ang kanyang tungkulin ng “may buong katapatan.”

Ayon kay Marcaida, una niyang tututukan ang mga nakabiting transaksyon sa City Hall, kabilang ang pagpapasweldo ng mga empleyado. Agad siyang magsisimula sa bagong tungkulin.

Nakausap na rin umano ni Marcaida ang dating alkalde na si Bayron, na iniutos ng Office of the Ombudsman na bumaba sa puwesto matapos itong matagpuang may sala sa kasong serious dishonesty and grave misconduct nang hindi niya idineklarang anak si Carl Bayron, na kanyang itinalaga bilang project manager ng Bantay Puerto VIP Security Force.

Ihinain ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang dismissal order kay Bayron noong Pebrero 10. Noong Pebrero 15 ay nakatanggap ng memo ang opisina ng bise alkalde mula sa DILG na kailangan na niyang manumpa ayon sa isinasaad ng Section 44 ng Local Government Code.

Ayon sa batas, oras na mabakante ang puwesto ng alkalde ay ang bise alkalde ang mauupo bilang pinuno ng bayan.

Sakali naman na mabakante ang puwesto ng bise alkalde, ang konsehal na may pinakamataas na boto noong eleksyon ang uupo sa puwestong ito.

Nagdesisyon umano si Marcaida na manumpa na matapos makipagpulong sa mga puno ng departamento, co-terminus employees ng City Hall, mga kapitan ng barangay, at mga konsehal mula Lunes hanggang Martes ng umaga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.