'Probinsiya' ng China? 'Biro ni Duterte, sampal sa mukha ng mga sundalo'

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 08:24 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakatikim muli ng batikos mula sa kaniyang mga kritiko si Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang kaniyang biro na maaaring gawing "probinsiya" ng China ang Pilipinas.

Para kay Magdalo Rep. Gary Alejano, ang "iresponsableng" pahayag ni Duterte ay malaking sampal sa mukha ng mga sundalo at mamamayang nakikipaglaban upang protektahan ang teritoryo ng Pilipinas. 

"Such irresponsible banter is a slap in the face of the many Filipinos, including our soldiers stationed in our occupied islands, who work tirelessly to defend our territorial integrity from China," ani Alejano.

Hindi rin ito nagustuhan ng grupong "Tindig Pilipinas," isang grupong lumalaban sa isinusulong na charter change ng administrasyon.
 

"Parang nakalimot ang Pangulo sa napakahabang paglaban natin para sa kalayaan," ayon kay dating Peace Secretary Teresita "Ging" Deles, na ngayo'y convenor ng Tindig Pilipinas.

Sa biro kasi ni Duterte nitong Lunes ng gabi sa isang pagtitipon ng mga Chinese-Filipino businessman at sa harap mismo ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua, sinabi nitong puwedeng maging "probinsiya" ng China ang Pilipinas para maayos na ang gusot ng dalawang bansa.

"Gusto ninyo gawain na lang ninyo kaming province, [parang] Fujian, pati Philippine province of China, eh di wala tayong problema. Libre na lahat," ani Duterte. 

Minaliit naman ito ni Jianhua at sinabing hindi dapat i-literal ang naging pahayag ni Duterte. 

"I think it's only a joke. Interpretation is that he wants to have a closer relationship [with China]," ani Jianhua.

Ipinagtanggol din ng Palasyo ang Pangulo at nanindigang hindi pinauubaya ng pamahalaan sa sino mang bansa ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea at sa Philippine Rise.

"So iyong biro niya is, you know, it’s just to emphasize na it's ours but we’re one with China. Take it in that spirit," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Nakahanap din ng kakampi si Duterte kay Sen. Gringo Honasan. Sabi ng senador, hindi dapat seryosohin ang ganitong biro, at sa halip ay dapat na pagtuonan ang mga polisiya ni Duterte. 

"What we need is to fill up the policy vaccum, dapat ang economic policy, foreign policy, security policy para we will develop...to protect our integrity, our territorial integrity. Our sovereignty," ani Honasan.

--Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.