Presyo ng e-jeeps: P900,000-P1.6M - DOTr

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 04:11 PM | Updated as of Feb 20 2018 07:56 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA - Aminado ang Department of Transportation (DOTr) na mahal ang presyo ng e-jeeps na isinusulong ng PUV modernization program lalo na sa mga maliliit at nag-iisang operator. 

Sa pagdinig sa Senado ngayong Martes, sinabi ni Assistant Secretary for Road Transport Mark de Leon na aabot sa P900,000 hanggang P1.6 milyon ang halaga ng e-jeeps. 

Kaya hinihikayat ng DOTr ang mga driver at operator na magsama-sama at bumuo ng kooperatiba o korporasyon para kayanin ang nabanggit na halaga. 

"We realized kasi na some operators and associations do not have capacity to upgrade their own fleets. So under our policy, we are allowing the formation of co-ops and the formation of corporation to run the fleets, to run the routes," ani De Leon. 

"Kapag ikaw ay malaking grupo ikaw ay isang korporasyon or isang cooperative, you can insist on big discounts from manufacturers. Kapag ikaw lang mag-isa ang bumili, talagang mabigat," dagdag pa ng opisyal ng DOTr.

Buwelta naman ni George San Mateo ng grupong PISTON, hindi na kailangan ng mga bagong kooperatiba o asosasyon dahil meron na nito sa kasalukuyang sistema at di lang natutulungan ng gobyerno.

Dagdag pa niya, dehado agad ang mga kasalukuyang asosasyon ng tsuper at operators dahil kapital lamang ang basehan ng DOTr sa pagtanggap ng mga bagong kooperatiba o korporasyon.

"Under the current modernization, ipinu-push ka sa consolidation ng not only sa operation, kundi sa ownership ng franchise. Doon pumapalag ang small operators. Pinaghirapan nila 'yun," aniya.

"Ang problem dun sa current program, walang garantiya. Basta may kapital kayo, 'yun ang batayan. Anyone can come in sa industriya basta may kapital. Dito dehado agad 'yung mga nasa kasalukuyan na maliit ang kapital," dagdag pa niya.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Simula nang ianunsiyo ang modernisasyon, inirereklamo na ng mga tsuper ang presyo ng e-jeeps. Kahit anila may pautang at P80,000 na subsidiya ang gobyerno, hindi nila kakayanin ito.

Ayon sa DOTr, aabot na sa 3,000 tsuper o operator ang lumagda ng kasunduang susunod sila sa modernisasyon. Pero maliit na porsiyento pa lang ito sa kabuuang 170,000 jeepney units sa bansa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.