3 sugatan sa banggaan sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 05:36 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sugatan ang 3 sakay ng motorsiklo nang makabangaan ang isang kotse sa Matarik St., Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan City.

Tumilapon sa motorsiklo at humandusay sa kalsada ang drayber na si Rannie Reyes, misis na si Carissa Reyes at kaibigan na si Mariel Borja.

Nagtangka umanong tumakas ang drayber ng kotse na si Pio Mendoza pero naharang agad ng mga residente ng magsisigaw ang isang testigo sa aksidente.

Halos 30 metro pang nakaladkad ng kotse ang motorsiklo bago ito huminto.

Inamin ni Mendoza na nakainom siya pero mabagal naman daw ang takbo niya.

Iginiit niyang pagiwang-giwang din ang takbo ng motorsiklo.

Itinanggi naman ito ng drayber ng motorsiklo at iginiit na mabilis ang takbo ng kotse.

Dinala ng rescue team sa Tala General Hospital ang mga sugatan sa aksidente. - ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.