Robredo, may banat sa kampo ni Bongbong Marcos

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2017 04:13 PM

CAGAYAN DE ORO - Panauhing pandangal si Vice President Leni Robredo sa social development week ng Xavier University sa Cagayan de Oro.

Dito nakipag-ugnayan ang Office of the Vice President sa unibersidad para matulungan ang unibersidad sa pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap na komunidad sa Cagayan de Oro at Bukidnon.

Pinangunahan din ni Robredo ang proyektong "Istorya ng Pag-asa," kung saan ipinapakita ang mga storya ng mga ordinaryong Pilipino na inaasahan nilang magbibigay ng positibong pagtingin sa buhay ng mga Pilipino.

"Hope is the only thing stronger than fear. We need more of it to counter negativity in this post era of truth, fake news, trolls and alternative facts. We need more of it to nourish our sense of dignity as a nation," ani Robredo.

Sa isang maikling pagharap sa media, nagbigay ng komento si Robredo sa akusasyon ng kampo ni Bongbong Marcos na takot sila na lumabas ang katotohanan hinggil sa election protest ni Marcos sa Presidential Election Tribunal.

"Nakakatuwa na nanggaling sa kanya. Tayo ilang taon ng naghintay 31 years since EDSA, 'yung pagkakasala sa bayan natin hindi pa nila hinaharap. For him to say tayo ang takot sa katotohanan baliktad yata," ani Robredo.

Nababahala din umano siya sa maaaring pagka-aresto kay Senator Leila de Lima. Sana raw ay mabigyan ng tamang proseso kung sakaling may kaso sa kanya, at maging patas ang pagdinig rito.

"Medyo nakakabahala ito. Nakakabahala kasi lumalabas na parang political persecution sya. Pag ganito isinasantabi natin ang rule of law, yung sa atin kung nagkasala imbestigahin pero siguraduhin na tamang proseso pagdaanan," ani Robredo.

Nagkaroon pa ng pribadong meeting si Robredo bago ito bumiyahe pabalik ng Maynila.