Lalaki naghagis ng granada sa mga dating kapitbahay; 7 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2017 09:14 AM

Pito ang sugatan matapos sumabog ang ihinagis na granada ng isang seaman sa Crisolita Street, San Andres Bukid sa Maynila Linggo.

Kinilala ang suspek na si Darwin Hinog, isang seaman na dating nangungupahan sa lugar.

Noong nakaraang taon pa umano siya nagbabanta na magpapasabog sa lugar, ayon sa mga residente.

Kwento ni Sharon Trasmonte, dating landlady ni Hinog, "Noong nalaman kong nagda-drugs naghanap ako ng paraan na makaalis... Matagal na nag-text, 'di ko akalain na itotoo niya na maghagis siya ng granada."
 
Isang malaking butas ang iniwang bakas ng pagsabog, na naganap bandang alas-3 ng hapon Linggo. Nabasag din ang mga windshield ng mga sasakyan at may tama ng mga shrapnel sa mga bahay.

Nasugatan sa iba't ibang bahagi ang 7 magkakapitbahay na nasa labas na kanilang mga bahay nang mangyari ang insidente.

Kabilang sa kanila sina Reyno Mijars, Felix Cruz Jr., Leonilda Cruz, Romeo Pasica, Jose Abelardo, Meribeth Geronimo at Judilyn Samillano.

Nakalabas na ng pagamutan ang mga biktima, pero isa sa kanila ang ooperahan sa mata matapos tamaan dito.

Sugatan din ang suspek matapos kuyugin ng mga residente.

Anya, "Sa Malabon ko nakuha ang bomba, sinangla sa akin."

Nahaharap siya sa patong-patong na kaso habang hawak na rin ng pulisya ang mga pagbabanta niya sa dati niyang landlady.

Sa Marso sana nakatakdang sumakay ulit ng barko si Hinog. -- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.