Hinihinalang drug pusher, nakitang patay sa Diokno Blvd.

Zhander Cayabyab, DZMM

Posted at Feb 19 2017 10:55 AM

MANILA - Isang babaeng hinihinalang dawit sa iligal na droga ang natagpuang patay sa Diokno Boulevard sa Pasay City, Linggo ng madaling-araw.

Nakitang nakahandusay sa madilim na bahagi ng kalye ang bangkay ng babaeng nasa 30 hanggang 35 anyos, nakasuot ng maong na pantalon at brown na t-shirt.

Binalutan ng packing tape ang ulo nito at iginapos din ng tape ang mga kamay.

Katabi ng bangkay ang isang papel na may nakasulat na, "Pusher ako. Marami na ako naperwisyo. Huwag tularan."

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives, napag-alamang sinaksak sa leeg ang biktima.

Hindi ito ang unang pagkakataong may itinapong bangkay sa madilim na bahagi ng naturang kalye.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.