Lalaking gumahasa at pumatay umano sa pamangkin, arestado

Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2017 09:35 PM

Larawan mula sa Masbate CPS

MABATE CITY — Naisampa na ang kasong rape with homicide kay Amador Dalanon matapos na patayin at gahasain ang sariling pamangkin na isang menor de edad.

Ayon kay Supt. Ruben Padua Jr., acting chief of police ng Masbate City Police Station, Martes pa nawawala ang menor de edad na biktima mula sa aktibidad sa eskwelahan.

Nai-report ito ng ina ng biktima madaling araw ng Huwebes.

Alas-siete ng umaga nung araw ding iyon, natagpuan ang bangkay ng biktima sa isang putikang lugar sa Barangay Cagay, Masbate City, kung saan residente rin ang magtiyuhin.

Nakakuha umano ang mga otoridad ng witness na nagturo sa suspek kaya agad itong nahuli.

Dagdag pa ni Padua, umamin umano ang suspek na ginalaw niya ang biktima.

Napag-alaman din ng mga otoridad na ilang beses na palang ginagahasa ng suspek ang biktima, ayon umano sa mga kaklase ng biktima.