80 pang OFW mula Kuwait, balik-Pinas na; paparating na 150, na-delay

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 09:03 PM

Dumating na sa bansa ang 80 pang distressed overseas Filipino workers (OFW) mula sa Kuwait na napauwi sa ilalim ng repatriation program ng pamahalaan. 

Lumapag ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang panibagong batch ng OFWs sakay ng Etihad Airways flight EY-424 eksaktong 3:30 p.m. Sabado.

Ito na ang ikatlong batch ng OFW na nakauwi ngayong Sabado kasunod ng mahigit 50 na dumating kaninang umaga at tanghali. 

Ayon sa pamahalaan, makatatanggap ang mga umuwing OFW ng financial assistance na P5,000 at P20,000 naman para sa livelihood assistance. 

Ang mga nasabing OFW ay kabilang sa daan-daang manggagawa mula sa Kuwait na tinulungang makabalik ng bansa ng pamahalaan kasunod ng utos ng pangulo na total deployment ban sa Kuwait.

Nausog naman bukas ang pagdating ng 150 distressed OFWs na nakatakda sanang umuwi bago maghatinggabi ng Linggo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.