Lalaki, patay matapos makipagbarilan sa mga pulis

Ron Lopez, DZMM

Posted at Feb 17 2017 01:49 PM

A man was killed in a firefight with police in Sucat Road, Parañaque City

MANILA- Dead on the spot ang isang lalaki matapos umanong makipagbarilan sa pulisya sa harap ng gate ng Loyola Memorial Park sa Sucat Road, Parañaque City Biyernes ng umaga.

Wala pang pagkakakilanlan ang lalaki na sakay ng motorsiklo na nakasuot ng itim na pang-itaas at puting shorts.

Ayon kay Senior Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Parañaque police, nagsasagawa sila ng Oplan Sita sa kahabaan ng Sucat Road nang dumaan ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.

Sinita ng mga pulis ang dalawang lalaki na imbis na huminto ay nagpatuloy sa pagmamaneho kaya't hinabol sila ng mga pulis.

Nang salubungin ng mga otoridad ang dalawa, lumiko ito sa gate ng nasabing sementeryo sa pag-aakalang makakalusot sila dito. 

Nakorner ang mga ito kaya't umakyat sa gate ang isa sa mga lalaki habang nagpaputok naman ang suspek sa pulis kaya't nauwi ito sa engkwentro na ikinamatay ng suspek.

Narekober sa suspek ang isang kalibre 38 baril habang inaalam pa ang pagkakakilanlan nito.