Kasambahay ni Amy Perez, tiklo sa pagnanakaw

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2017 11:33 AM | Updated as of Feb 17 2017 01:44 PM

Arestado dahil sa pagnanakaw ang matagal nang kasambahay ng mag-asawang Carlo Castillo at Amy Perez-Castillo.

Sa pahayag ng mag-asawa na tumatayong mga complainant, nagpaalam umanong magde-day off ang 40-anyos nilang kasambahay na si Melrose Buli-buli o mas kilala sa pangalang Rose Besano.

Pero dahil natuklasan ng mag-asawa na dala na nito ang halos lahat ng kanyang damit, dito na nagduda ang mag-asawa na wala nang balak bumalik pa ni Besano.

Bago pa nito, tila nakatunog na si Amy na hindi nagtutugma ang ipinapaalam ng kasambahay.

"Nitong huli na nga, noong nagpapaalam na siya, sabi ko parang ang dami na niyang inconsistencies sa lahat ng mga sinasabi niya," pagbahagi ni Amy sa "Umagang Kayganda."

Nadiskubre rin nila na tinangay ni Besano ang P12,000 na cash galing sa monthly dues na ibinilin sa kanya ng mga kapitbahay at tatlong mamahaling relo ng mag-asawa na aabot sa halagang P260,000.

Naaresto si Besano sa ginawang entrapment operation ng Quezon City Police District-District Special Operations Unit.

Narekober sa suspek ang tatlong relo pero wala na ang cash.

Sa presinto, napag-alaman na may mga tinakbo rin itong pera mula sa mga kasambahay ng mga kapitbahay, school canteen ng anak ng mag-asawa, at maging sa isang laundry shop na malapit sa bahay na kanyang amo.

Umamin din sa Besano na sa loob ng apat na taon niyang panunungkulan sa pamilya Castillo, marami na umano siyang ninakaw na pera, mga grocery at pagkain, mga laruan ng bata at mga imported na damit ng mag-asawa.

Pinupuslit aniya ito sa tuwing wala ang kanyang mga amo.

Naging emosyonal naman si Amy nang ibahagi na kapamilya na ang turing niya sa kasambahay.

"Doon ako naiiyak sa part na, talagang hindi ko akalain kasi pamilya namin siyang tinuring, halos kasama namin siya sa lahat ng mga biyahe ng mga bata. Talagang doon ako nalulungkot na paanong nagyari na nagawa niya kaming lokohin."

Pormal na itong sinampahan ng mag asawa ng kasong qualified theft na walang kaakibat na piyansa.

Nananawagan naman ang pulisya sa lahat ng iba pang nabiktima o natakbuhan ng pera ni Besano na magtungo lang sa opisina ng QCPD-DSOU sa Camp Karingal para masampahan pa ng karagdagang kaso ang suspek.