Holdap sa bus: Pasahero sugatan matapos madaplisan ng bala

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2017 09:50 AM

Isang pasahero ng bus ang nasugatan sa pangho-holdap ng dalawang hindi nakilalang suspek lulan ng Seven Sky Express Liner Corporation, Biyernes ng madaling araw.

Nangyari ang krimen habang binabagtas ng bus na may plakang TYR-554 ang kahabaan ng EDSA mula sa Kamuning hanggang sa NIA Road sa Quezon City.

Ayon sa mga pasahero, sumakay sa Farmer's Market sa Cubao ang mga suspek na naka-backpack at nakasuot ng sumbrero.

Nagpaputok ng baril ang isa sa mga holdaper at nagdeklara ito ng holdap habang nasa Kamuning Flyover na ang pampasaherong sasakyan.

Isang lalaking tumangging magpakilala ang nadaplisan ng bala sa binti.

Kuwento ng isa pang pasahero, nakuhanan siya ng P12,000 at mamahaling cellphone.

"Natutulog ako noon. Paggising ko, katabi ko na siya (suspek). Sabi niya, 'pag hindi ko binigay 'yung bag ko, papatayin niya kaming lahat," pagbahagi ng isang pasahero na kinilala bilang si Richelle Bustamante.

Dumulog na sa istasyon ng pulis ang drayber at 14 pasahero ng bus para maghain ng kanilang mga kaukulang asunto.