Ama, sinaksak ng anak dahil sa pagkain

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2017 10:55 AM

LAOAG CITY - Puno ng pagsisisi ang isang anak matapos niyang masaksak ang ama nito sa kanilang bahay sa Barangay 55-B Salet Bulangon noong Miyerkules ng gabi.

Kuwento ng 28-anyos na si Marlon Agnir, pagdating niya ng bahay ay nagtanong siya ng pagkain sa ama na si Martin ngunit iba ang pagkakaintindi ng ama nito. Akala umano ng biktima, nagrereklamo siya sa pagkain.

"Nang kukuha na ako ng pagkain, sinuntok niya ako," pagbahagi ni Marlon.

"May bagay na hindi sila nagkaintindihan sa ulam, doon nagsimula ang kanilang pagtatalo," ayon kay Chief-of-Police, Supt. Edwin Balles.

Dahil dito, bumunot si Marlon ng balisong at dito na niya nasaksak ang ama sa tiyan.

"’Tay, patawarin mo ako, hindi na mauulit," dagdag ni Marlon.

Boluntaryong sumuko sa awtoridad ang suspek. Sa imbestigasyon, lumalabas na parehas na nakainom ng alak ang mag-ama.

"Bandang alas-2 ng madaling araw, dumating kasama ang isang tanod at nag-surrender dito sa istasyon," ani Balles.

Sa ngayon, nagpapagaling na sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa lungsod ng Laoag ang ama ng suspek.