SAPUL SA VIDEO: Grupo ng mga menor de edad, nambugbog

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 09:43 PM | Updated as of Feb 16 2018 10:22 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nabidyuhan ng isang netizen ang pambubugbog ng grupo ng kabataang lalaki sa isang binatilyo sa barangay Pogo Chico, Dagupan City, Pangasinan noong Pebrero 7.
    
In-upload ni Adonis Sevidal sa social media ang video kung saan makikitang sinasapak at tinatadyakan ng grupo ang isang lalaking walang suot pang-itaas, na humampas pa sa isang salamin ng clinic, dahilan para ito'y mabasag. 

Ayon sa Dagupan City Police, isolated case lamang ang nangyari.

"Away ng mga kabataan kasi iba ang tingin ng isa kaya nagalit, nagkahamunan," ani Superintendent Jandale Sulit, hepe ng Dagupan City police.

Nahuli ang limang nambugbog na pawang mga menor de edad kaya't dinala sila sa Department of Social Welfare and Development para sa counseling.

Binayaran naman ng mga magulang ng mga bata ang nabasag na salamin ng clinic.

Kinondena ng Committee on Peace and Order ng Dagupan City Council ang nangyaring gulo lalo't may ordinansa ang lokal na pamahalaan na nagbabawal sa mga menor de edad na sumali sa anumang fraternity o grupo.

"Let's go back to the schools. Bakit may ganito? Instead of fighting, let's play ball, let's see who could contribute better to the city," ani Councilor Joey Tamayo, chairman ng nasabing komite sa lungsod. 

Kakausapin ng komite ang Department of Education para himukin silang i-monitor ang kilos ng mga bata para maiwasan ang karahasan.
    
Mino-monitor na rin ng pulisya ang kilos ng mga batang sangkot at inaalam kung miyembro ba sila ng iba pang mga grupong takaw-gulo.
     
--Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.