Sekyu arestado sa panggagahasa ng pamangkin

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 01:45 AM

BAGUIO - Inaresto nitong Martes ng hapon ang isang security guard matapos umanong gahasain ang 12-anyos na pamangkin nito.

Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Mia Joy Oallares-Cawed ng Regional Trial Court First Judicial Region.

Kasong statutory rape o panggagahasa sa menor de edad ang kaniyang kinahaharap.

Ayon sa reklamo ng biktima, ginahasa umano siya ng suspek sa tatlong lugar: La Union, Dagupan, at Mindanao.

Ikinagulat umano ng suspek at asawa ang reklamo lalo pa't ang biktima umanong naghain nito ay ang kanilang anak-anakan na sila mismo ang kumupkop at nagpaaral sa loob ng mahigit tatlong taon.

"Wala pong katotohanan po yun. Hindi ko po ginalaw yung bata. Pinag-aral ko pa yan lahat lahat, parang anak ko na rin yan," sabi ng suspek.

Pakiusap ng CIDG, huwag matakot na magsumbong sa otoridad sakaling mabiktima.

"Sinasabihan po natin ang ating mga kababayan na kapag may kaso po kayo lalo na po ang pang-aabuse sa women at children, magsumbong po agad sila sa kinauukulan at eventually justice will be served," ani SPO3 Veronica Villareal, imbestigador ng CIDG Baguio.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Baguio City Jail at hindi maaaring magpiyansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.