Tutor, 2 lalaki patay sa magkahiwalay na pamamaril sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2017 09:54 AM

MANILA - Nasawi ang isang private tutor at 2 lalaki sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Quezon City, Miyerkules.

Nasawi ang 2 lalaki sa Visayas Street, Barangay Payatas dakong alas-2:30 ng madaling araw.

Lumabas lamang ng bahay para umihi ang isa sa mga biktimang si Jason Atienza, 26, nang pagbabarilin siya ng mga hindi nakilalang gunman lulan ng isang puting van sa labas mismo ng kanyang tahanan.

Nagtamo ng 19 tama ng baril ang pahinanteng si Atienza.

Giit ng kanyang inang si Esperanza, walang kaaway o koneksyon sa iligal na droga ang anak.

"Sana kung sino man gumawa nito makonsensya ka naman wala naman kasalanan 'yung anak ko," dagdag niya.

Ilang metro lamang ang layo, pinagbabaril rin ang isang alyas "Kutsara," na ayon sa mga opisyal ng barangay ay dayo lamang sa kanilang lugar.

Hindi rin anila magkakilala ang 2 biktima at iniimbestigahan pa kung iisang grupo lang ang pumaslang sa mga biktima.

Wala ring saksing nakakatanda sa plaka ng puting van na nakita sa crime scene.

Samantala, natagpuan ding patay ang isang private tutor matapos pagbabarilin sa isang makipot na eskinita malapit sa kanyang inuupahang kuwarto sa Barangay Old Balara.

Kuwento ng mga residente, bandang ala-1 ng umaga nang makarinig sila ng magkakasunod na putok.

Dahil sa takot, hindi anila agad na inalam kung saan ito nanggaling, hanggang sa madiskubre na lang ang bangkay ng biktimang si Ma. Kristina Tadeo dakong alas-4 ng madaling-araw.

Palaisipan pa ang motibo sa pagpaslang lalo't walang kinalaman si Tadeo sa droga o anumang iligal na aktibidad, ayon sa barangay. -- May mga ulat ni Jeff Hernaez, Fred Cipres at Angel Movido, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.