'Pekeng' rice shortage isinisi sa 'nananamantala'

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 02:55 PM

Iginiit ni Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel "Manny" Piñol na hindi kulang ang suplay ng bigas sa bansa at may ilang grupo lang umano ang "lumilikha" at nakikinabang sa pekeng rice shortage. 

Aniya, pinalaki at ginamit ng ilang grupo ang pahayag ng National Food Authority (NFA) na bumababa na ang kanilang buffer stock ng bigas.

"It was a [statement] that was exploited by other groups who wanted to create a false atmosphere of shortage of rice. So sinakyan 'yung isyung 'yon at sinabing nagtataaasan na daw 'yung presyo sa merkado dahil kulang ang bigas," ani Piñol.

Dagdag ng kalihim, nakapagtala pa nga ng 19.4 milyon metric tons na produksiyon ng bigas noong nakaraang taon kaya sobra-sobra ang palay sa pangangailangan ng bansa. 

Kung siya ang masusunod, hindi niya umano papayagang hawakan ng private sector ang rice industry dahil isa itong "national security issue."

Tututukan ng DA ngayon ang pagtulong sa mga magsasaka sa rice processing, milling, at pagbebenta.

Inilunsad na rin ng ahensya ang bagong loan program para sa mga magsasaka kung saan walang kailangang collateral at 6 percent lang ang interes ng utang na babayaran sa loob ng walong taon. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.