Murang bigas, pa-Valentine's ng gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 09:59 AM

MANILA - Nag-alok ang Department of Agriculture (DA) ng mas murang commercial rice ngayong Araw ng mga Puso.

Direktang binili mula sa mga magsasaka ang bigas na ibinibenta sa "Valentine's Day Bigas ng Masa TienDA" sa head office ng ahensya sa Quezon City.

Dahil dito, nasa P38 kada kilo lang ang bentahan ng naturang commercial rice, mas mura kaysa sa P40 hanggang P60 na presyo sa mga pamilihan.

Kabuuang 26,000 kilo ng bigas ang iniaalok ng DA. Nasa 25 kilo lamang ang maximum na maaaring bilhin ng bawat tao.

Nagkakasa ang pamahalaan ng national program para alalayan ang mga magsasaka sa milling, packaging at marketing ng kanilang mga ani upang maibenta ito nang direkta sa mga konsumer, sinabi ni DA Secretary Emmanuel Piñol sa Facebook.

Sa unang bahagi ng programa, ipagagamit aniya ng DA sa mga magsasaka ang kanilang regional offices upang maibenta rito ang kanilang ani.

Kalaunan, magtatayo ng "Bigas ng Masa TienDA" outlets sa lahat ng mga bayan.

Nito lang linggo, inaprubahan ng National Food Authority (NFA) Council ang pag-aangkat ng 250,000 metric tons ng bigas para idagdag sa buffer stock ng NFA.

Una nang sinabi ng ahensya sumadsad kamakailan ang kanilang imbak na bigas sa pinakamababa nitong monthly level sa loob ng 10 taon.

May ulat nina Jekki Pascual at Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.