Mga miyembro ng ‘hypebeast’ sa Baguio, huhulihin

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 12:02 AM

BAGUIO CITY—Ikina-alarma na ng pamahalaang lungsod ng Baguio ang mga kumakalat na balita ukol sa grupo ng mga kabataan na nananakit umano ng kapwa dahil sa damit.

Dahil dito, iniutos ni Baguio Mayor Mauricio Domogan na hulihin ang mga miyembro ng "hypebeast," grupo ng mga kabataan na sumusunod sa uso ng mga kasuotan. Ang kanilang sinusuot umano ay mga branded o signature clothing tulad ng Bape at Supreme Co.

“We do not like to relax with this one kasi dadami 'yan, so at this time na nagsisimula pa lang sila dapat mahuli sila para we will stop it," ani Domogan. 

Ayon sa pulisya, modus ng grupo na magbenta ng damit sa isang indibidwal bilang initiation.

Kapag nakakita ang grupo ng nakasuot ng signature na damit at ‘di nanggaling sa kanila, pagdidiskitahan ito.

Nitong Setyembre una nang naibalita ang panununtok sa isang estudyante dahil sa suot na jacket. Nakuha sa CCTV ang pananakit.

Ayon kay Police Sr. Supt. Ramil Saculles, direktor ng Baguio City Police, isa sa mga solusyon ay huwag munang pasuotin ng damit na may tatak ang mga anak.

“Kung aalis sila na naka-uniporme, dapat uuwi pa rin sila na naka-uniporme, tsaka mas maganda na 'wag muna silang magsuot ng branded. Sa mga teacher bantayan din natin 'yung mga estudyante natin," ani Saculles.

Ipatatawag din ang mga magulang ng mga batang mahuhuli.

Sa ngayon, may 9 nang miyembro ng hypebeast na nakilala ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.