Lalaki arestado, mga baril at bala nakumpiska sa Butuan City

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 08:39 PM

BUTUAN CITY - Arestado ang isang lalaki matapos mahulihan ng baril at mga bala sa Bridgetown Subdivision, Barangay Villa Kananga dito sa siyudad Martes.

Kinilala ang suspek na si Zenen Gelloagan. 

Napasok ng mga operatiba ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang bahay ni Gelloagan sa inilabas na search warrant.

Sa paghalughog sa bahay ng suspek, tumambad ang mga baril sa cabinet sa kaniyang kuwarto.

May nakuha pang mga baril sa kaniyang sasakyan.

Nakumpiska mula kay Gelloagan ang dalawang caliber .45, dalawang 9mm, isang caliber .40, isang caliber .38 revolver at isang 9mm KG-9 submachine gun, mga magazines at bala.

Dadalhin ang lahat ng baril at bala sa PNP Regional Crime Laboratory para sa firearms forensic examination.

Tumangging magbigay ng pahayag ang inarestong suspek.

Kakasuhan ng illegal possession of firearms and ammunition si Gelloagan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.