Lagay ng mga pampublikong ospital, idinaing ng mga mambabatas

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 01:23 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Idinaing ng ilang mambabatas ang kondisyon ng government hospitals sa kanilang nasasakupan.

Bukod kasi sa kulang sa doktor at ilang kagamitan, kulang na kulang din ang mga kama para sa mga pasyente. 

Tulad na lang sa Baguio General Hospital and Medical Center, 500 hospital beds lang ang mayroon doon pero 650 ang pasyente nito na karamiha'y kapuspalad.

Nagtitiis tuloy ang ilang maysakit na mahiga na lang sa stretcher na nakahimpil sa pasilyo ng pagamutan.

May plano namang lakihan ang ospital, pero kailangan pang kausapin ang mga may-ari ng mga katabing estruktura na kakailanganing gibain.

Sa Cagayan de Oro naman, 200 pasyente ang nagsisiksikan sa 100 kama sa J. Borja General Hospital.

Mas malala pa ang sitwasyon sa Surigao del Sur, ayon sa kinatawan nitong si Rep. Prospero Pichay. 

Aniya, nasa 5,000 pasyente ang alokasyon para sa kada kama sa ospital sa kaniyang probinsiya.

"Our hospital is 200-bed [capacity]... every month, we refer around 300 patients to Davao Medical Center, Tagum Medical Center... and it's six [hours of travel] by land. And along the way, some of the patients die," ani Pichay.

(May ilang pasyenteng namamatay sa halos anim na oras na biyahe para lang makapunta sa mga ospital na may kapasidad para sa mas maraming pasyente.)

Iba pa ito sa kakapusan sa doktor, gamot, at hospital equipment, sabi ni Pichay.

Ang ilang kongresista rin idinaing sa joint committee on health and demography and finance hearing ang kapos nilang pagamutan.

"I cannot possibly continue to stomach... The only government hospital in my district... will continue to have a 25-bed [capacity]," ani Cebu Rep. Rodrigo Abellanosa. 

Ayon kay Sen. JV Ejercito, sa pangkalahatang sitwasyon ng government hospitals sa buong bansa, mayroong 1,121 pasyenteng nakaabang sa kada hospital bed.

Malayo ito sa gusto ng gobyerno na ratio na isang hospital bed para sa kada 800 pasyente.

"To reach our target, we need a total of 131,250 beds. Currently, the existing is 88,394," ani Ejercito.

Kaya naman mabilis ding ipinasa sa Kongreso ang mga panukala para sa dagdag-kama sa government hospitals na planong maisabatas agad at maihabol sa bubuing 2019 national budget.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.