CAFGU na 'nang-agaw' ng kanta pinatayan ng videoke, patay sa pamamaril

Jasper Acosta at Rodney Ontolan, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 03:44 PM

Away sa 'Problemang Puso' nauwi pamamaril

Nakaburol ngayon sa kanilang bahay sa Barangay Bulucaon ang labi ng yumaong CAFGU. ABS-CBN News

PIGKAWAYAN, North Cotabato - Patay sa pamamaril ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit na umano'y nang-agaw ng kanta sa videoke ng kasamahan niya sa puwersa.

Dead on arrival sa ospital ang biktimang si Noel Saulda na diumano'y binaril ng kapwa niya CAFGU sa loob ng detachment ng Charlie Company ng 38th Infantry Battalion sa Brgy. Simsiman.

Inamin naman ng suspek na si Wilson Esonsa na nabaril niya ang kasamahan matapos ang mainit na pagtatalo na nag-ugat sa kakantahin sana niyang "Problemang Puso" sa videoke.

Kuwento ni Esonsa, kinuha ni Saulda ang kanyang kanta para sa kaarawan ng first sergeant niya, kaya pinatay niya ang videoke machine habang kumakanta ito.

"Kasi sa akin na kanta 'yun. Pinuntahan ko at pinatay ko na lang ang videoke. Pumunta ako sa likod tapos biglang nilapitan niya ako. Sabi ko, 'Bukas na lang natin pag usapan dahil lasing ka,'" aniya.

"Sinuntok niya ako. Pumunta ako sa kubo ko. Inaagaw niya ang baril ko. At binaril ko siya. Hindi ko sinadya 'yun dahil pumunta siya sa kubo ko," giit ng suspek.

Nakapiit ngayon ang suspek sa selda sa Pigkawayan police station. ABS-CBN News

Apat na tama ng bala sa katawan mula sa isang carbine rifle ang pumatay kay Saulda na 29 anyos pa lamang. Nahaharap sa reklamong homicide ang suspek.

Desidido naman ang pamilya ni Saulda na ituloy ang kaso laban sa suspek. Giit nila, bagaman umiinom ng alak ang kanilang anak, hindi ito ang tipong nagsisimula ng away.

"Alam ko na umiinom ang anak ko pero hindi 'yun siya ganyan na tao na nagwa-wild. Alam ng mga barkada niya na palatawa 'yun na tao," sabi ni Anita, ina ng biktima.