3 batang pinaso umano ng ina sa viral video, nasagip na

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 03:46 PM

MANILA - Inilagay sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Martes ang 3 batang pinaso umano ng kanilang ina gamit ang kandila. 

Kumalat kamakailan sa internet ang video ng umano'y pananakit ng ginang sa mga batang edad 2, 3 at 4. 

Ayon kay Annie Mendoza, direktor ng DSWD-Calabarzon, nagpadala ang ahensya ng mga tauhan sa tahanan ng mga paslit sa San Mateo Rizal matapos mapanood ang viral na video. 

Tumanggi pa aniya ang 20-anyos na ina ng mga bata na makuha sa kaniya ang mga anak, pero nakumbinsi rin kalaunan ng DSWD. 

Dinala ng ahensya ang mga bata sa isang pribadong child care agency. 

Isasailalim sa psychiatric at psychological tests ang ina para matukoy kung maayos ang kaniyang kondisyon para alagaan ang kanyang mga anak. Posible siyang kasuhan ng physical at verbal child abuse, ani Mendoza. 

Dagdag niya, tinitingnan ng DSWD kung may kakayahan ang mga kamag-anak na pangalagaan ang mga bata. 

Ulat ni Joyce Mendoza, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.